22 Si Eli nga ay totoong matanda na; at kaniyang nababalitaan ang lahat ng ginagawa ng kaniyang mga anak sa buong Israel, at kung paanong sila'y sumisiping sa mga babae na naglilingkod sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
23 At sinabi niya sa kanila, Bakit ginagawa ninyo ang mga ganiyang bagay? sapagka't aking nababalitaan sa buong bayang ito ang inyong mga masamang kilos.
24 Huwag, mga anak ko; sapagka't hindi mabuting balita ang aking naririnig: inyong pinasasalangsang ang bayan ng Panginoon.
25 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa iba, ay hahatulan siya ng Dios; nguni't kung ang isang tao ay magkasala laban sa Panginoon, sino ang mamamagitan sa kaniya? Gayon ma'y hindi nila dininig ang tinig ng kanilang ama, sapagka't inakalang patayin sila ng Panginoon.
26 At ang batang si Samuel ay lumalaki, at kinalulugdan ng Panginoon at ng mga tao rin naman.
27 At naparoon ang isang lalake ng Dios kay Eli, at sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Napakita ba ako ng hayag sa sangbahayan ng iyong ama, nang sila'y nasa Egipto sa pagkaalipin sa sangbahayan ni Faraon?
28 At pinili ko ba siya sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging saserdote ko, upang maghandog sa aking dambana, upang magsunog ng kamangyan, at upang magsuot ng epod sa harap ko? at ibinigay ko ba sa sangbahayan ng iyong ama ang lahat ng mga handog ng mga anak ni Israel na pinaraan sa apoy?