2 Mga Cronica 29:29-35 TLAB

29 At nang sila'y makatapos ng paghahandog ang hari at ang lahat na nakaharap na kasama niya ay nagsiyukod at nagsisamba.

30 Bukod dito'y iniutos ni Ezechias na hari at ng mga prinsipe sa mga Levita na magsiawit ng mga pagpuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga salita ni David, at ni Asaph na tagakita. At sila'y nagsiawit ng mga pagpuri na may kasayahan, at kanilang itinungo ang kanilang mga ulo at nagsisamba.

31 Nang magkagayo'y sumagot si Ezechias na nagsabi, Ngayo'y nagsitalaga kayo sa Panginoon, kayo'y magsilapit at mangagdala ng mga hain at mga handog na pasalamat sa bahay ng Panginoon: At nagdala ng mga hain at ng mga handog na pasalamat ang kapisanan; at lahat ng may kusang kalooban ay nagsipagdala ng mga handog na susunugin.

32 At ang bilang ng mga handog na susunugin na dinala ng kapisanan, pitongpung baka, isang daang tupang lalake, dalawang daang kordero: lahat ng mga ito ay pinakahandog na susunugin sa Panginoon.

33 At ang mga bagay na itinalaga ay anim na raang baka at tatlong libong tupa.

34 Nguni't ang mga saserdote ay naging kakaunti, na anopa't hindi nila malapnusan ang lahat na handog na susunugin kaya't tinulungan sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita, hanggang sa natapos ang gawain, at hanggang sa nangagpakabanal ang mga saserdote; sapagka't ang mga Levita ay matuwid ang puso na mangagpakabanal na higit kay sa mga saserdote.

35 At ang mga handog na susunugin naman ay sagana, pati ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan, at pati ang mga handog na inumin na ukol sa bawa't handog na susunugin. Sa gayo'y ang paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay naayos.