9 Ang sulat ni Ezechias na hari sa Juda, nang siya'y magkasakit, at gumaling sa kaniyang sakit.
10 Aking sinabi, Sa katanghalian ng aking mga kaarawan ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol: Ako'y nabawahan sa nalalabi ng aking mga taon.
11 Aking sinabi, hindi ko makikita ang Panginoon, ang Panginoon sa lupain ng buhay: Hindi ko na makikita pa ang tao, na kasama ng mga nananahan sa sanglibutan.
12 Ang tirahan ko'y inaalis, at dinadala na gaya ng tolda ng pastor: Aking pinupulon ang aking buhay, na gaya ng pagpupulon ng manghahabi; kaniyang ihihiwalay ako sa habihan: Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
13 Ako'y tumigil hanggang sa kinaumagahan; katulad ng leon, gayon niya binabali ang lahat kong mga buto: Mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako.
14 Gaya ng langaylangayan o ng tagak, humihibik ako; Ako'y tumangis na parang kalapati: ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala; Oh Panginoon, ako'y napipighati, ikaw nawa'y maging tangulan sa akin.
15 Anong aking sasabihin? siya'y nagsalita sa akin, at kaniya namang ginawa: Ako'y yayaong marahan lahat kong taon, dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa.