8 Nang malaman ng amo ang ginawa ng madayang katiwala, pinuri niya ang kanyang katiwala dahil kumilos ito nang may karunungan. Sapagkat mas marunong ang mga taong makamundo kaysa sa mga taong naliwanagan na tungkol sa Dios.
9 “Kaya sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ninyo sa mundong ito para kapag naubos man ito ay may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan.
10 Ang taong mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaking bagay. At ang taong madaya sa maliliit na bagay ay magiging madaya rin sa malalaking bagay.
11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan?
12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng kayamanan na talagang para sa inyo?
13 “Walang aliping makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat tatanggihan niya ang isa at susundin naman ang isa, magiging tapat siya sa isa at tatalikuran ang isa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”
14 Nang marinig iyon ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus dahil mahal nila ang salapi.