11 Nang araw ding iyon, napag-alaman ng hari ang dami ng mga pinatay sa lungsod ng Susa.
12 Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa pa lang 500 na lalaki ang pinatay ng mga Judio, at pinatay din nila ang sampung anak ni Haman. Ano kaya ang nangyari sa ibang lungsod at probinsya? Ano pa ngayon ang gusto mong hilingin at ibibigay ko sa iyo.”
13 Sinabi ni Ester, “Mahal na Hari, kung gusto po ninyo, payagan ninyong ipagtanggol pa ng mga Judio rito sa Susa ang kanilang sarili hanggang bukas, tulad ng ginagawa nila ngayon. At ituhog sa nakatayong kahoy ang mga bangkay ng sampung anak ni Haman.”
14 Kaya nag-utos ang hari na gawin ang kahilingan ni Ester. Ipinaalam sa mga taga-Susa ang utos ng hari at ibinigay ang mga bangkay ng sampung anak ni Haman.
15 Kinaumagahan, ika-14 na araw ng buwan ng Adar, nagtipong muli ang mga Judio na nasa Susa at nakapatay pa sila ng 300 lalaki. Pero hindi rin nila sinamsam ang mga ari-arian ng mga kalaban nila.
16-17 Pero noong ika-13 araw ng buwan ng Adar, nagtipon ang mga Judio sa ibaʼt ibang probinsya ng kaharian para ipagtanggol ang kanilang sarili sa mga kalaban nila. At nakapatay sila ng 75,000 tao, pero hindi nila sinamsam ang mga ari-arian nito. Kinaumagahan, ika-14 na araw ng buwan ng Adar, nagpahinga sila at nagdiwang ng pista.
18 Pero sa Susa, patuloy pa ang pagpatay ng mga Judio sa kanilang mga kalaban. At nang ika-15 araw ng buwan ng Adar, nagpahinga sila at nagdiwang ng pista.