13 Isinalaysay ni Micaya ang lahat ng narinig niya sa binasa ni Baruc sa mga tao.
14 Kaya inutusan agad ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Shelemia, at apo sa tuhod ni Cushi na puntahan si Baruc at sabihing dalhin niya ang nakarolyong kasulatan na binasa niya sa mga tao, at pumunta sa kanila. Kaya pumunta si Baruc na dala ang kasulatang iyon.
15 Pagdating ni Baruc, sinabi ng mga pinuno, “Maupo ka at basahin mo sa amin ang kasulatan.” Kaya binasa naman ni Baruc ang kasulatan sa kanila.
16 Nang marinig nila ang lahat ng nakasulat doon, nagtinginan sila sa takot at sinabi nila kay Baruc, “Kailangan natin itong sabihin sa hari.”
17 Tinanong nila si Baruc, “Sabihin mo sa amin, paano mo naisulat ang lahat ng ito? Sinabi ba ito sa iyo ni Jeremias?”
18 Sumagot si Baruc, “Oo, sinabi sa akin ni Jeremias ang bawat salita sa nakarolyong ito at isinulat ko naman sa pamamagitan ng tinta.”
19 Sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias at huwag ninyong ipaalam kaninuman kung nasaan kayo.”