16 Anong malay ninyo, mga babae, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa?
17 Mamuhay ang bawat isa ayon sa ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon, at magpatuloy sa dati niyang kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos. Ito ang itinuturo ko sa lahat ng iglesya.
18 Kung ang isang lalaki ay tuli na nang siya'y tawagin ng Diyos, huwag na niyang alisin ang mga palatandaan ng kanyang pagiging tuli. At kung hindi naman tuli nang siya'y tawagin, huwag na siyang mag-asam na magpatuli pa.
19 Hindi mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi; subalit ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos.
20 Manatili ang bawat isa sa katutubong kalagayan niya sa buhay nang siya'y tawagin ng Diyos.
21 Ikaw ba'y isang alipin nang tawagin ka ng Diyos? Huwag mong intindihin iyon. Ngunit kung may pagkakataon kang maging isang malaya, samantalahin mo.
22 Ang isang alipin noong tawagin ng Panginoon ay malaya na dahil sa Panginoon. Gayundin naman, ang taong malaya nang siya'y tawagin ni Cristo ay naging alipin ni Cristo.