1 Umalis sa Gezer si Juan na anak ni Simon at iniulat sa kanyang ama ang ginawa ni Cendebeo.
2 Sinabi ni Simon kina Juan at Judas, na dalawa niyang pinakamatandang anak, “Ang buong pamilya ng aking ama, ang aking mga kapatid, at ako ay nakipagdigma sa pagtatanggol sa Israel at marami kaming tagumpay na natamo sa hangaring iligtas ang ating bansa.
3 Ako'y matanda na, ngunit salamat sa Diyos, kayo ay nasa kasibulan. Kailangang kayo ang pumalit sa akin at sa aking kapatid sa pakikipaglaban para sa ating bansa. At sumainyo nawa ang Diyos.”
4 Nagtipon si Juan ng 20,000 piling kawal na Israelita at mga mangangabayo, at lumabas sila upang harapin si Cendebeo. Sa Modein sila nagpalipas ng magdamag,
5 at maagang-maaga pa kinabukasan ay tumuloy sila sa kapatagan. Sinalubong sila roon ng isang malaking hukbong sundalo at mangangabayo, subalit may nakapagitan sa kanila na isang ilog.
6 Humanda si Juan at ang kanyang hukbo sa pakikipaglaban at humarap sa kalaban, ngunit nang makita niyang takot lumusong sa tubig ang kanyang mga kawal nauna siyang tumawid. Nang makita ito ng mga kawal, sumunod na sila.
7 Hinati ni Juan ang kanyang hukbo at ipinagitna ang mga kabayuhan sapagkat mas marami ang mangangabayo ng kaaway.