1 Tinipon ni David sa Jerusalem ang lahat ng mga pinuno ng Israel, lahat ng pinuno ng mga lipi, lahat ng namamahala ng mga pangkat na naglilingkod sa hari, ang mga pinuno ng mga libu-libo at mga pinuno ng mga daan-daan. Tinawag din niya ang mga katiwala ng mga ari-arian, at ng mga kawan ng hari, at ng mga anak niya, lahat ng mga may tungkulin sa palasyo, lahat ng matatapang na lalaki, at lahat ng mahuhusay na mandirigma.
2 Nang naroon na ang lahat, tumayo siya at nagsalita, “Mga kapatid at mga kababayan, matagal ko nang minimithi na magtayo ng isang permanenteng tahanan para sa Kaban ng Tipan na siyang tuntungan ng Diyos nating si Yahweh. Inihanda ko na ang lahat ng kailangan upang maitayo ito.
3 Ngunit sinabi sa akin ng Diyos na hindi ako ang magtatayo ng Templo para sa kanya sapagkat ako'y isang mandirigma at may bahid ng maraming dugo ang aking kamay.
4 Subalit sa sambahayan ng aking ama, ako ang pinili ni Yahweh, ang Diyos ng Israel upang maghari sa bansang ito magpakailanman. Ang pinili niyang mangunguna ay si Juda, at nagmula sa lipi nito ang pamilya ng aking ama. Sa amin namang pamilya, ako ang kanyang itinalaga para maging hari ng buong Israel.