27 Doon na sila natutulog sa Templo, sapagkat sa kanila ipinagkatiwala ang pangangalaga at pagbabantay niyon. Sila rin ang nagbubukas ng Templo tuwing umaga.
28 Ang iba sa kanila'y tagapangalaga ng mga kagamitan sa paglilingkod, sapagkat kailangang bilangin nila iyon tuwing gagamitin at ibabalik sa lalagyan.
29 Ang iba nama'y nangangalaga ng mga kasangkapan, ang iba naman ay sa mga kagamitan sa paglilingkod, tulad ng pinong harina, alak, langis, insenso at mga pabango.
30 At ang iba pa ang taga-timpla ng mga pabango.
31 Isa sa mga Levita na mula sa angkan ni Korah, si Matitias na panganay ni Sallum ang tagagawa ng manipis na tinapay.
32 May ilan pang mula sa angkan ni Kohat ang tagaayos naman sa mga tinapay na handog tuwing Araw ng Pamamahinga.
33 Ito ang mga pinuno ng mga sambahayang Levita na umaawit at doon na rin tumitira sa mga silid sa Templo. Wala silang ibang gawain, sapagkat kailangang gampanan nila ang kanilang tungkulin araw-gabi.