2 Gumawa rin siya ng malaking ipunan ng tubig na yari sa tanso. Ito'y isang malaking kawa, apat at kalahating metro ang luwang ng labi, dalawa't kalahating metro naman ang lalim at labing-tatlo't kalahating metro ang sukat pabilog.
3 Sa gilid nito'y may palamuting hugis toro na nakapaikot, sampu sa bawat apat at kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na hinulma kasama ng kawa.
4 Ang patungan ng lalagyang ito ay labindalawang torong magkakatalikod: tatlo sa hilaga, tatlo sa timog, tatlo sa kanluran at tatlo sa silangan.
5 Tatlong pulgada ang kapal ng kawa at ang labi nito'y hugis kopa, parang bulaklak na liryo. Maaaring maglaman ito ng tatlong libong baldeng tubig.
6 Nagpagawa rin siya ng sampung palangganang hugasan, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. Doon nililinis ang mga handog na susunugin at sa malaking kawa naman naghuhugas ang mga pari.
7 Gumawa rin siya ng sampung ilawang ginto, katulad ng ipinagawa ni Yahweh kay Moises. Ipinalagay naman niya ang mga ilawang ito sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa.
8 Pagkatapos, nagpagawa siya ng sampung hapag at ipinalagay rin sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa gawing kaliwa. Nagpagawa rin siya ng sandaang mangkok na ginto.