7 Nilapa sila ng nakatagpo sa kanila. Ang sabi ng kanilang mga kaaway, ‘Wala kaming kasalanan, sapagkat nagkasala sila laban kay Yahweh, ang tunay na pastol at siyang pag-asa ng lahat ng kanilang mga ninuno.’
8 “Takasan ninyo ang Babilonia, lisanin ninyo ang bansang iyan; kayo ang maunang umalis, gaya ng mga barakong kambing na nangunguna sa kawan.
9 Sapagkat susulsulan ko ang malalakas na bansa upang salakayin ang Babilonia; magmumula sila sa hilaga, upang bihagin siya. Sila'y mga bihasang mandirigma at walang mintis kung pumana.
10 Sasamsaman ng mga gamit ang mga taga-Babilonia, at mananagana ang lahat ng makakakuha.” Ito ang sabi ni Yahweh.
11 “Bagama't kayo'y nagkakatuwaan at nagkakasayahan, kayong kumuha ng aking mana, bagama't nagwala kayong gaya ng babaing baka sa damuhan, at humalinghing na parang kabayong lalaki,
12 malalagay sa ganap na kahihiyan ang inyong ina na nagsilang sa inyo; siya ang magiging pinakahuli sa mga bansa, isang tigang na lupain na parang disyerto.
13 Wala nang maninirahan sa kanya dahil sa poot ni Yahweh, siya'y isang lunsod na wasak. Lahat ng magdaraan doon ay magtataka at mangingilabot sa nangyari sa kanya.