1 Paglipas ng panahon, si Abimelec na anak ni Gideon ay nagpunta sa Shekem, sa mga kamag-anak ng kanyang ina. Sinabi niya sa mga ito,
2 “Itanong ninyo sa lahat ng taga-Shekem kung alin ang gusto nila: pamunuan sila ng pitumpung anak ni Gideon o ng iisang tao? At huwag ninyong kalilimutang ako'y dugo ng inyong dugo at laman ng inyong laman.”
3 Ang mga taga-Shekem ay kinausap nga ng mga kamag-anak ng ina ni Abimelec. Pinagkaisahan ng mga ito na siya na ang mamahala sa kanila, sapagkat siya naman ay kamag-anak nila.
4 Binigyan nila si Abimelec ng pitumpung pirasong pilak mula sa kabang-yaman ng templo ni Baal-berit. Ginamit niya ito bilang pambayad sa ilang tao roon na walang magawang magaling at sila'y sumama sa kanya.
5 Nagpunta siya sa Ofra, sa bahay ng kanyang ama at pinatay sa ibabaw ng isang malaking bato ang kanyang pitumpung kapatid sa ama niyang si Gideon. Lahat ay napatay niya liban kay Jotam na siyang pinakabata sapagkat nakapagtago ito.
6 Ang mga taga-Shekem at Bethmilo ay sama-samang nagpunta sa may malaking puno sa Shekem at ginawa nilang hari si Abimelec.
7 Nang mabalitaan ito ni Jotam, tumayo siya sa taluktok ng Bundok ng Gerizim at sumigaw, “Mga taga-Shekem, makinig kayo sa akin upang makinig sa inyo ang Diyos.