23 Ngunit nagpadala ang Diyos ng espiritu ng hidwaan sa mga taga-Shekem at kay Abimelec. Dahil dito, naghimagsik ang mga kalalakihan ng Shekem laban kay Abimelec.
24 Nangyari ito upang pagbayarin si Abimelec at ang mga nagsulsol sa kanya na patayin ang pitumpung anak ni Gideon.
25 Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tauhan upang tambangan sa bundok si Abimelec. Hinaharang nila ang lahat ng magdaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec.
26 Noon, si Gaal na anak ni Ebed ay nagpunta sa Shekem, kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala naman sa kanya ang mga tagaroon.
27 Namitas sila ng ubas, ginawa itong alak, at sila'y nagpista. Sa kainitan ng pista ay pumasok sila sa templo ng kanilang diyus-diyosan. Kumain sila roon at nag-inuman habang patuloy na kinukutya si Abimelec.
28 Sinabi ni Gaal, “Bakit ba tayo pasasakop kay Abimelec? Sino siya kung ihahambing sa mga taga-Shekem? Hindi ba anak lamang siya ni Gideon? At pati si Zebul ay sunud-sunuran sa kanya! Bakit nga tayo pasasakop sa kanya? Ibangon ninyo ang karangalan ng ninuno ninyong si Hamor.
29 Kung ako ang mamumuno sa inyo, tiyak na matatalo natin siya. Sasabihin ko sa kanyang ilabas na niya ang buo niyang hukbo at maglaban kami.”