10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan.
11 Sinasabi nating mapalad ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon.
12 Ngunit higit sa lahat, mga kapatid, huwag na kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit,” o “Saksi ko ang lupa,” o “Saksi ko ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.
13 Nahihirapan ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos.
14 Kung kayo ay may sakit, ipatawag ninyo ang mga pinuno ng iglesya upang ipanalangin kayo at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon.
15 Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon at patatawarin ang kanyang mga kasalanan.
16 Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.