13 Tumayo ka at sabihin mo sa bayan na maghanda sila bukas sa pagharap sa akin, sapagkat akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay ganito ang sasabihin: ‘Ikaw rin, Israel, ay dapat wasakin sapagkat may nagtatago sa inyo ng mga bagay na ipinag-utos kong wasakin. Hindi kayo makakaharap sa inyong mga kaaway hanggang hindi naaalis sa inyo ang mga bagay na iyan!
14 Kaya bukas ng umaga, haharap kayo sa akin ayon sa inyu-inyong lipi. Ang liping mapili ko ay hahanay ayon sa kani-kanilang angkan. Ang angkan naman na mapili ko ay hahanay rin ayon sa kani-kanilang sambahayan. At ang sambahayang mapili ko ay hahanay na isa-isa.
15 Ang kakitaan ng mga bagay na ipinag-utos kong wasakin ay siyang ihahagis sa apoy, kasama ang kanyang sambahayan at mga ari-arian, sapagkat hindi niya iginalang ang kasunduang ibinigay ko sa kanila at nagdulot siya ng napakalaking kahihiyan sa buong Israel.’”
16 Kinabukasan, maagang bumangon si Josue at pinahanay ang buong Israel ayon sa kani-kanilang lipi, at napili ang lipi ni Juda.
17 Tinawag ang lipi ni Juda at napili ang angkan ni Zera. Tinawag ang angkan ni Zera at napili ang sambahayan ni Zabdi.
18 Tinawag ang sambahayan ni Zabdi at napili si Acan, na anak ni Karmi at apo ni Zabdi, na anak ni Zera.
19 Kaya't sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, nasa harapan ka ni Yahweh, ang Diyos ng Israel! Igalang mo ang kanyang pangalan. Magsabi ka ng totoo. Huwag kang magkakaila ng anuman! Ano ang ginawa mo?”