1 Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan,dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
2 pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig.Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
3 Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig,gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit.
4 Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan,silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan!Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal,dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.
5 Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos,sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos.Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan,may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
6 Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag;dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
7 Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik,pati along malalaki sa panahong nagngangalit;maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit.
8 Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila,natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha.Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw,buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.
9 Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa.Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
10 Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa,kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
11 Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa,at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
12 Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.
13 Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,at hitik na hitik naman ang trigo sa kapatagan.Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!