1 Si Judas, na alipin ni Jesucristo, at kapatid ni Santiago, sa mga tinawag, na minamahal sa Dios Ama, at iniingatang para kay Jesucristo:
2 Kaawaan at kapayapaan at pagibig ang sa inyo nawa'y paramihin.
3 Mga minamahal, samantalang ako'y totoong nagsisikap ng pagsulat sa inyo tungkol sa kaligtasan nating lahat, ay napilitan akong sumulat sa inyo na inaaralan kayong makipaglabang masikap dahil sa pananampalataya na ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal.
4 Sapagka't may ilang taong nagsipasok ng lihim, yaong mga itinalaga nang una pa sa kahatulang ito, mga di banal, na pinalitan ng kalibugan ang biyaya ng ating Dios, na itinatatuwa ang ating iisang Guro at Panginoong si Jesucristo.
5 Ninanasa ko ngang ipaalaala sa inyo, bagama't nalalaman ninyong maigi ang lahat ng mga bagay, na nang mailigtas ng Panginoon ang isang bayan, sa lupain ng Egipto, ay nilipol niya pagkatapos yaong mga hindi nagsisipanampalataya.
6 At ang mga anghel na hindi nangagingat ng kanilang sariling pamunuan, kundi iniwan ang kanilang sariling tahanan, ay iniingatan niya sa mga tanikalang walang hanggan sa paghuhukom sa dakilang araw.
7 Gayon din ang Sodoma at Gomorra, at ang mga bayang nasa palibot ng mga ito, na dahil sa pagpapakabuyo sa pakikiapid at sa pagsunod sa ibang laman, ay inilagay na pinakahalimbawa, na sila'y nagbabata ng parusang apoy na walang hanggan.