5 Ninanasa ko ngang ipaalaala sa inyo, bagama't nalalaman ninyong maigi ang lahat ng mga bagay, na nang mailigtas ng Panginoon ang isang bayan, sa lupain ng Egipto, ay nilipol niya pagkatapos yaong mga hindi nagsisipanampalataya.
6 At ang mga anghel na hindi nangagingat ng kanilang sariling pamunuan, kundi iniwan ang kanilang sariling tahanan, ay iniingatan niya sa mga tanikalang walang hanggan sa paghuhukom sa dakilang araw.
7 Gayon din ang Sodoma at Gomorra, at ang mga bayang nasa palibot ng mga ito, na dahil sa pagpapakabuyo sa pakikiapid at sa pagsunod sa ibang laman, ay inilagay na pinakahalimbawa, na sila'y nagbabata ng parusang apoy na walang hanggan.
8 Gayon ma'y ang mga ito rin naman sa kanilang pagkagupiling ay inihahawa ang laman, at hinahamak ang mga paghahari, at nilalait ang mga puno.
9 Datapuwa't ang arkanghel Miguel, nang makipaglaban sa diablo, na nakikipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas gumamit laban sa kaniya ng isang hatol na may pagalipusta, kundi sinabi, Sawayin ka nawa ng Panginoon.
10 Datapuwa't ang mga ito'y nangalipusta sa anomang bagay na hindi nila nalalaman: at sa mga bagay na talagang kanilang nauunawa, ay nangagpapakasira na gaya ng mga kinapal na walang bait.
11 Sa aba nila! sapagka't sila'y nagsilakad sa daan ni Cain, at nagsidaluhong na walang pagpipigil sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at nangapahamak sa pagsalangsang ni Core.