37 At huwag kayong mangagsihatol, at hindi kayo hahatulan: at huwag kayong mangagparusa, at hindi kayo parurusahan: mangagpalaya kayo, at kayo'y palalayain:
38 Mangagbigay kayo, at kayo'y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong kandungan. Sapagka't sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin.
39 At sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Mangyayari bagang umakay ang bulag sa bulag? di baga sila mangabubulid kapuwa sa hukay?
40 Hindi higit ang alagad sa kaniyang guro: datapuwa't ang bawa't isa, pagka naging sakdal, ay nagiging katulad ng kaniyang guro.
41 At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, datapuwa't hindi mo pinupuna ang tahilan na nasa iyong sariling mata?
42 O paanong masasabi mo sa iyong kapatid, Kapatid, pabayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata, kundi mo nakikita ang tahilan na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan na nasa iyong sariling mata, kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pagaalis ng puwing na nasa mata ng iyong kapatid.
43 Sapagka't walang mabuting punong kahoy na nagbubunga ng masama; at wala rin naman masamang punong kahoy na nagbubunga ng mabuti.