38 Nang magkagayo'y nagsisagot sa kaniya ang ilan sa mga eskriba at sa mga Fariseo, na nangagsasabi, Guro, ibig namin makakita ng isang tanda sa iyo.
39 Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ng propeta Jonas:
40 Sapagka't kung paanong si Jonas ay napasa tiyan ng isang balyena na tatlong araw at tatlong gabi; ay gayon ding mapapasa ilalim ng lupa na tatlong araw at tatlong gabi ang Anak ng tao.
41 Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Nineve na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.
42 Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't siya'y nanggaling sa mga wakas ng lupa upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon.
43 Datapuwa't ang karumaldumal na espiritu, kung siya'y lumabas sa tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig na humahanap ng kapahingahan, at hindi makasumpong.
44 Kung magkagayo'y sinasabi niya, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko; at pagdating niya, ay nasusumpungan niyang walang laman, walis na, at nagagayakan.