13 Datapuwa't magsihayo kayo at inyong pagaralan kung ano ang kahulugan nito, Habag ang ibig ko, at hindi hain: sapagka't hindi ako naparito upang tumawag ng mga matuwid, kundi ng mga makasalanan.
14 Nang magkagayo'y nagsilapit sa kaniya ang mga alagad ni Juan, na nangagsabi, Bakit kami at ang mga Fariseo ay nangagaayunong madalas, datapuwa't hindi nangagaayuno ang mga alagad mo?
15 At sinabi sa kanila ni Jesus, Mangyayari bagang mangagluksa ang mga abay sa kasalan, samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila? datapuwa't darating ang mga araw, na ang kasintahang lalake ay aalisin sa kanila, at kung magkagayo'y mangagaayuno sila.
16 At sinoma'y hindi nagtatagpi ng bagong kayo sa damit na luma; sapagka't ang tagpi ay bumabatak sa damit, at lalong lumalala ang punit.
17 Hindi rin nagsisilid ng bagong alak sa mga balat na luma: sa ibang paraan ay nangagpuputok ang mga balat, at nangabububo ang alak, at nangasisira ang mga balat: kundi isinisilid ang bagong alak sa mga bagong balat, at kapuwa nagsisitagal.
18 Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito sa kanila, narito, dumating ang isang pinuno, at siya'y sinamba, na nagsasabi, Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae: datapuwa't halina at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya, at siya'y mabubuhay.
19 At si Jesus ay nagtindig, at sumama sa kaniya, pati ng kaniyang mga alagad.