15 Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan; sapagka't bagay na buhat sa Panginoon upang kaniyang itatag ang kaniyang salita, na sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng kamay ni Ahias na Silonita kay Jeroboam na anak ni Nabat.
16 At nang makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, ay sumagot ang bayan sa hari, na nagsasabi, Anong bahagi mayroon kami kay David? at wala man kaming mana sa anak ni Isai: sa iyong mga tolda, Oh Israel: ngayon ikaw ang bahala ng iyong sariling sangbahayan, David. Sa gayo'y yumaon ang Israel sa kanikaniyang tolda.
17 Nguni't tungkol sa mga anak ni Israel na nagsitahan sa mga bayan ng Juda, ay pinagharian sila ni Roboam.
18 Nang magkagayo'y sinugo ng haring Roboam si Adoram na nasa pagpapaatag; at binato ng buong Israel siya ng mga bato, na anopa't siya'y namatay. At nagmadali ang haring Roboam na sumakay sa kaniyang karo, upang tumakas sa Jerusalem.
19 Gayon nanghimagsik ang Israel laban sa sangbahayan ni David, hanggang sa araw na ito.
20 At nangyari, nang mabalitaan ng buong Israel na si Jeroboam ay bumalik, na sila'y nagsugo at ipinatawag siya sa kapisanan, at ginawa siyang hari sa buong Israel: walang sumunod sa sangbahayan ni David, kundi ang lipi ni Juda lamang.
21 At nang dumating si Roboam sa Jerusalem, kaniyang pinisan ang buong sangbahayan ng Juda, at ang lipi ni Benjamin, na isang daan at walong pung libo na piling lalake, na mga mangdidigma, upang magsilaban sa sangbahayan ng Israel, upang ibalik ang kaharian kay Roboam na anak ni Salomon.