1 Mga Hari 13:1-7 TLAB

1 At, narito, dumating ang isang lalake ng Dios na mula sa Juda ayon sa salita ng Panginoon sa Beth-el: at si Jeroboam ay nakatayo sa siping ng dambana upang magsunog ng kamangyan.

2 At siya'y sumigaw laban sa dambana ayon sa salita ng Panginoon, at nagsabi, Oh dambana, dambana, ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, isang bata'y ipanganganak sa sangbahayan ni David na ang pangalan ay Josias: at sa iyo'y ihahain ang mga saserdote ng mga mataas na dako na nagsisipagsunog ng kamangyan sa iyo, at mga buto ng mga tao ang kanilang susunugin sa iyo.

3 At siya'y nagbigay ng tanda nang araw ding yaon, na nagsasabi, Ito ang tanda na sinalita ng Panginoon: Narito, ang dambana ay mababaak, at ang mga abo na nasa ibabaw ay mabubuhos.

4 At nangyari, nang marinig ng hari ang sabi ng lalake ng Dios, na kaniyang isinigaw laban sa dambana sa Beth-el, na iniunat ni Jeroboam ang kaniyang kamay mula sa dambana, na sinasabi, Hulihin siya. At ang kaniyang kamay na kaniyang iniunat laban sa kaniya ay natuyo, na anopa't hindi niya napanauli sa dati.

5 Ang dambana naman ay nabaak, at ang mga abo ay nabuhos mula sa dambana, ayon sa tanda na ibinigay ng lalake ng Dios ayon sa salita ng Panginoon.

6 At ang hari ay sumagot, at nagsabi sa lalake ng Dios, Isamo mo ngayon ang biyaya ng Panginoon mong Dios, at idalangin mo ako, upang ang aking kamay ay gumaling. At idinalangin ng lalake ng Dios sa Panginoon, at ang kamay ng hari ay gumaling uli, at naging gaya ng dati.

7 At sinabi ng hari sa lalake ng Dios, Umuwi kang kasama ko, at kumain ka, at bibigyan kita ng kagantihan.