16 At narinig ng bayan na nasa hantungan na sinabing nagbanta si Zimri, at sinaktan ang hari: kaya't ginawang hari sa Israel ng buong Israel si Omri na punong kawal ng hukbo nang araw na yaon sa kampamento.
17 At si Omri ay umahon mula sa Gibbethon, at ang buong Israel ay kasama niya, at kanilang kinubkob ang Thirsa.
18 At nangyari, nang makita ni Zimri na ang bayan ay nasakop, na siya'y naparoon sa castilyo ng bahay ng hari, at sinunog ng apoy ang bahay na kinaroroonan ng hari at siya'y namatay.
19 Dahil sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang ipinagkasala sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon sa paglakad sa lakad ni Jeroboam, at sa kaniyang kasalanan na kaniyang ginawa, upang papagkasalahin ang Israel.
20 Ang iba nga sa mga gawa ni Zimri, at ang kaniyang panghihimagsik na kaniyang ginawa, di ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?
21 Nang magkagayo'y ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawa: ang kalahati ng bayan ay sumunod kay Thibni na anak ni Gineth, upang gawin siyang hari; at ang kalahati ay sumunod kay Omri.
22 Nguni't ang bayan na sumunod kay Omri ay nanaig laban sa bayan na sumunod kay Thibni na anak ni Gineth: sa gayo'y namatay si Thibni at naghari si Omri.