21 Nang magkagayo'y ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawa: ang kalahati ng bayan ay sumunod kay Thibni na anak ni Gineth, upang gawin siyang hari; at ang kalahati ay sumunod kay Omri.
22 Nguni't ang bayan na sumunod kay Omri ay nanaig laban sa bayan na sumunod kay Thibni na anak ni Gineth: sa gayo'y namatay si Thibni at naghari si Omri.
23 Nang ikatatlong pu't isang taon ni Asa na hari sa Juda ay nagpasimula si Omri na maghari sa Israel, at naghari na labing dalawang taon: anim na taon na naghari siya sa Thirsa.
24 At binili niya ang burol ng Samaria kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak; at siya'y nagtayo sa burol, at tinawag ang pangalan ng bayan na kaniyang itinayo, ayon sa pangalan ni Semer, na may-ari ng burol, na Samaria.
25 At gumawa si Omri ng masama sa paningin ng Panginoon, at gumawa ng masama na higit kay sa lahat na nauna sa kaniya.
26 Sapagka't siya'y lumakad sa buong lakad ni Jeroboam na anak ni Nabat, at sa kaniyang mga kasalanan na ipinapagkasala niya sa Israel, upang mungkahiin sa galit ang Panginoon, ang Dios ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga kalayawan.
27 Ang iba nga sa mga gawa ni Omri na kaniyang ginawa, at ang kapangyarihan niya na kaniyang ipinamalas, di ba nasusulat sa mga aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel?