24 Ngayon nga'y buhay ang Panginoon, na nagtatag sa akin, at naglagay sa akin sa luklukan ni David na aking ama, at siyang gumawa sa akin ng isang bahay, gaya ng kaniyang ipinangako, tunay na si Adonia ay papatayin sa araw na ito.
25 At nagsugo ang haring Salomon sa pamamagitan ng kamay ni Benaia na anak ni Joiada; at siyang dumaluhong sa kaniya, na anopa't siya'y namatay.
26 At kay Abiathar na saserdote ay sinabi ng hari, Umuwi ka sa Anathoth, sa iyong sariling mga bukid; sapagka't ikaw ay karapatdapat sa kamatayan: nguni't sa panahong ito'y hindi kita papatayin, sapagka't iyong dinala ang kaban ng Panginoong Dios sa harap ni David na aking ama, at sapagka't ikaw ay napighati sa lahat ng kinapighatian ng aking ama.
27 Sa gayo'y inalis ni Salomon si Abiathar sa pagkasaserdote sa Panginoon upang kaniyang tuparin ang salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita tungkol sa sangbahayan ni Eli, sa Silo.
28 At ang mga balita ay dumating kay Joab: sapagka't si Joab ay umanib kay Adonia, bagaman hindi siya umanib kay Absalom. At si Joab ay tumakas na napatungo sa Tolda ng Panginoon, at pumigil sa mga anyong sungay ng dambana.
29 At nasaysay sa haring Salomon, Si Joab ay tumakas na napatungo sa Tolda ng Panginoon, at, narito, siya'y nasa siping ng dambana. Nang magkagayo'y sinugo niya si Benaia na anak ni Joiada, na sinasabi, Ikaw ay yumaon, daluhungin mo siya.
30 At si Benaia ay naparoon sa Tolda ng Panginoon, at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng hari, Lumabas ka. At kaniyang sinabi, Hindi; kundi ako'y mamamatay rito, At dinala ni Benaia sa hari ang salita uli, na sinasabi, Ganito ang sinabi ni Joab, at ganito ang isinagot sa akin.