32 At ibabalik ng Panginoon ang kaniyang dugo sa kaniyang sariling ulo, sapagka't siya'y dumaluhong sa dalawang lalake, na lalong matuwid, at maigi kay sa kaniya, at mga pinatay ng tabak, at hindi nalalaman ng aking amang si David, sa makatuwid baga'y si Abner na anak ni Ner, na puno ng hukbo ng Israel, at si Amasa na anak ni Jether, na puno ng hukbo ng Juda.
33 Sa gayo'y ang kanilang dugo ay mababalik sa ulo ni Joab, at sa ulo ng kaniyang binhi magpakailan man: nguni't kay David, at sa kaniyang binhi, at sa kaniyang sangbahayan, sa kaniyang luklukan ay magkakaroon ng kapayapaan magpakailan man na mula sa Panginoon.
34 Nang magkagayo'y sinampa ni Benaia na anak ni Joiada, at dinaluhong siya, at pinatay siya; at siya'y inilibing sa kaniyang sariling bahay sa ilang.
35 At inilagay ng hari si Benaia na anak ni Joiada na kahalili niya sa hukbo: at si Sadoc na saserdote ay inilagay ng hari na kahalili ni Abiathar.
36 At ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Semei, at sinabi sa kaniya, Magtayo ka ng isang bahay sa Jerusalem, at tumahan ka roon, at huwag kang pumaroon saan man na mula roon.
37 Sapagka't sa araw na ikaw ay lumabas, at tumawid sa batis ng Cedron, talastasin mong mainam, na ikaw ay walang pagsalang mamamatay: ang iyong dugo ay sasa iyong sariling ulo.
38 At sinabi ni Semei sa hari, Ang sabi ay mabuti: kung paanong sinabi ng aking panginoong hari, gayon gagawin ng iyong lingkod. At si Semei ay tumahan sa Jerusalem na malaon.