1 Mga Hari 20:22-28 TLAB

22 At ang propeta ay lumapit sa hari sa Israel, at nagsabi sa kaniya, Ikaw ay yumaon, magpakalakas ka, at iyong tandaan, at tingnan mo kung ano ang iyong ginagawa; sapagka't sa pagpihit ng taon ay aahon ang hari sa Siria laban sa iyo.

23 At sinabi ng mga lingkod ng hari sa Siria sa kaniya, Ang kanilang dios ay dios sa mga burol; kaya't sila'y nagsipanaig sa atin: nguni't magsilaban tayo laban sa kanila sa kapatagan, at walang pagsalang tayo'y magiging lalong malakas kay sa kanila.

24 At gawin mo ang bagay na ito; alisin mo ang mga hari sa kanikaniyang kalagayan, at maglagay ka ng mga punong kawal na kahalili nila:

25 At bumilang ka sa iyo ng isang hukbo, na gaya ng hukbo na iyong ipinahamak, kabayo kung kabayo, at karo kung karo: at tayo'y magsisilaban sa kanila sa kapatagan, at walang pagsalang tayo'y magiging lalong malakas kay sa kanila. At kaniyang dininig ang kanilang tinig at ginawang gayon.

26 At nangyari, sa pagpihit ng taon, na hinusay ni Ben-adad ang mga taga Siria at umahon sa Aphec upang lumaban sa Israel.

27 At ang mga anak ng Israel ay nangaghusay rin, at nangagbaon, at nagsiyaon laban sa kanila: at ang mga anak ng Israel ay humantong sa harap nila na wari dalawang munting kawang anak ng kambing; nguni't linaganapan ng mga taga Siria ang lupain.

28 At isang lalake ng Dios ay lumapit at nagsalita sa hari ng Israel at nagsabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sapagka't sinabi ng mga taga Siria, Ang Panginoon ay dios sa mga burol, nguni't hindi siya dios sa mga libis: kaya't aking ibibigay ang buong malaking karamihang ito sa iyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.