13 At nagsugo ang haring Salomon, at ipinasundo si Hiram sa Tiro.
14 Siya'y anak ng isang babaing bao sa lipi ni Nephtali, at ang kaniyang ama ay lalaking taga Tiro, na manggagawa sa tanso; at siya'y puspos ng karunungan, at katalinuhan, at kabihasahan, upang gumawa ng lahat na gawain sa tanso. At siya'y naparoon sa haring Salomon, at ginawa ang lahat niyang gawain.
15 Sapagka't kaniyang tinabas ang dalawang haligi na tanso, na may labing walong siko ang taas ng bawa't isa: at isang panukat na pisi na may labing dalawang siko ay maipalilibid sa bilog ng alinman sa bawa't isa.
16 At siya'y gumawa ng dalawang kapitel na binubong tanso, upang ilagay sa mga dulo ng mga haligi: ang taas ng isang kapitel ay limang siko at ang taas ng kabilang kapitel ay limang siko.
17 May mga yaring nilambat, at mga tirintas na yaring tinanikala, na ukol sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; pito sa isang kapitel, at pito sa kabilang kapitel.
18 Gayon ginawa niya ang mga haligi: at mayroong dalawang hanay sa palibot ng isang yaring lambat, upang takpan ang mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at gayon ang ginawa niya sa kabilang kapitel.
19 At ang mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi sa portiko ay mga yaring lila, na apat na siko.