3 At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Aking dininig ang iyong panalangin at ang iyong pamanhik na iyong ipinagbadya sa harap ko: aking pinapaging banal ang bahay na ito na iyong itinayo, upang ilagay ang aking pangalan doon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.
4 At tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng inilakad ni David, na iyong ama sa pagtatapat ng puso at sa katuwiran na gagawa ka ng ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at iingatan mo ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan:
5 Ay akin ngang itatatag ang luklukan ng iyong kaharian sa Israel magpakailan man, ayon sa aking ipinangako kay David na iyong ama, na sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa luklukan ng Israel.
6 Nguni't kung kayo ay magsisihiwalay sa pagsunod sa akin, kayo o ang inyong mga anak, at hindi ingatan ang aking mga utos, at ang aking mga palatuntunan, na aking inilagay sa harap ninyo, kundi kayo'y magsisiyaon at magsisipaglingkod sa ibang mga dios, at magsisisamba sa kanila:
7 Aking ngang ihihiwalay ang Israel sa lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking pinapaging banal sa aking pangalan, ay aking iwawaksi sa aking paningin; at ang Israel ay magiging kawikaan at kakutyaan sa gitna ng lahat ng bayan:
8 At bagaman ang bahay na ito ay totoong mataas, gayon ma'y ang bawa't magdaan sa kaniya ay magtataka at susutsot at kanilang sasabihin, Bakit ginawa ng Panginoon ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?
9 At sila'y magsisisagot, Sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon nilang Dios na naglabas sa kanilang mga magulang sa lupain ng Egipto, at nagsipanghawak sa ibang mga dios, at sinamba nila, at pinaglingkuran nila: at kaya't pinarating ng Panginoon sa kanila ang lahat na kasamaang ito.