11 At sinabi ni Samuel kay Isai, Narito ba ang iyong lahat na anak? At kaniyang sinabi, Natitira pa ang bunso, at, narito, siya'y nag-aalaga sa mga tupa. At sinabi ni Samuel kay Isai, Ipasundo mo siya; sapagka't hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.
12 At siya'y nagsugo, at sinundo siya roon. Siya nga'y may mapulang pisngi, may magandang bikas, at mabuting anyo. At sinabi ng Panginoon, Tumindig ka: pahiran mo siya ng langis, sapagka't ito nga.
13 Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sungay ng langis, at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid: at ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang suma kay David mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin. Gayon bumangon si Samuel at napasa Rama.
14 Ang Espiritu nga ng Panginoon ay humiwalay kay Saul, at isang masamang espiritu na mula sa Panginoon ay bumagabag sa kaniya.
15 At sinabi ng mga bataan ni Saul sa kaniya, Narito ngayon, isang masamang espiritu na mula sa Dios ay bumabagabag sa iyo.
16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga bataan na nasa harap mo na humanap ng isang lalake na bihasang manunugtog ng alpa; at mangyayari, pagka ang masamang espiritu na mula sa Dios ay nasa iyo na siya'y tutugtog ng kaniyang kamay at ikaw ay bubuti.
17 At sinabi ni Saul sa kaniyang mga bataan, Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalake na makatutugtog na mabuti, at dalhin ninyo sa akin siya.