25 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa iba, ay hahatulan siya ng Dios; nguni't kung ang isang tao ay magkasala laban sa Panginoon, sino ang mamamagitan sa kaniya? Gayon ma'y hindi nila dininig ang tinig ng kanilang ama, sapagka't inakalang patayin sila ng Panginoon.
26 At ang batang si Samuel ay lumalaki, at kinalulugdan ng Panginoon at ng mga tao rin naman.
27 At naparoon ang isang lalake ng Dios kay Eli, at sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Napakita ba ako ng hayag sa sangbahayan ng iyong ama, nang sila'y nasa Egipto sa pagkaalipin sa sangbahayan ni Faraon?
28 At pinili ko ba siya sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging saserdote ko, upang maghandog sa aking dambana, upang magsunog ng kamangyan, at upang magsuot ng epod sa harap ko? at ibinigay ko ba sa sangbahayan ng iyong ama ang lahat ng mga handog ng mga anak ni Israel na pinaraan sa apoy?
29 Bakit nga kayo'y tumututol sa aking hain at sa aking handog, na aking iniutos sa aking tahanan, at iyong pinararangalan ang iyong mga anak ng higit kaysa akin, upang kayo'y magpakataba sa mga pinakamainam sa lahat ng mga handog ng Israel na aking bayan?
30 Kaya't sinasabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Aking sinabi nga na ang iyong sangbahayan, at ang sangbahayan ng iyong ama, ay lalakad sa harap ko magpakailan man: nguni't sinasabi ngayon ng Panginoon, Malayo sa akin; sapagka't yaong mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalin, at yaong mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.
31 Narito, ang mga araw ay dumarating, na aking ihihiwalay ang iyong bisig, at ang bisig ng sangbahayan ng iyong ama, upang huwag magkaroon ng matanda sa iyong sangbahayan.