8 Kaniyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok, Kaniyang itinataas ang mapagkailangan mula sa dumihan, Upang sila'y palukluking kasama ng mga prinsipe, At magmana ng luklukan ng kaluwalhatian: Sapagka't ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon, At kaniyang ipinatong ang sanglibutan sa kanila.
9 Kaniyang iingatan ang mga paa ng kaniyang mga banal; Nguni't ang masama ay patatahimikin sa mga kadiliman; Sapagka't sa pamamagitan ng kalakasan ay walang lalaking mananaig.
10 Yaong makipagkaalit sa Panginoon ay malalansag; Laban sa kanila'y kukulog siya mula sa langit: Ang Panginoon ang huhukom sa mga wakas ng lupa; At bibigyan niya ng kalakasan ang kaniyang hari, At palalakihin ang sungay ng kaniyang pinahiran ng langis.
11 At si Elcana ay umuwi sa Ramatha sa kaniyang bahay. At ang bata'y nangangasiwa sa Panginoon sa harap ni Eli na saserdote.
12 Ngayo'y ang mga anak ni Eli ay mga hamak na lalake; hindi nila nakikilala ang Panginoon.
13 At ang kaugalian ng mga saserdote sa bayan, ay, na pagka ang sinoma'y naghahandog ng hain, lumalapit ang bataan ng saserdote, samantalang ang laman ay niluluto, na may hawak sa kamay na pang-ipit na may tatlong ngipin;
14 At kaniyang dinuduro sa kawali, o sa kaldera, o sa kaldero, o sa palyok; at lahat ng nadadala ng pang-ipit ay kinukuha ng saserdote para sa kaniya. Gayon ang ginagawa nila sa Silo sa lahat ng mga Israelita na naparoroon.