1 Umalis nga si David doon, at tumakas sa yungib ng Adullam: at nang mabalitaan ng kaniyang mga kapatid at ng sangbahayan ng kaniyang ama, kanilang nilusong siya roon.
2 At bawa't isa na napipighati, at bawa't isa na may utang, at bawa't isa na may kalumbayan ay nakipisan sa kaniya; at siya'y naging punong kawal nila: at nagkaroon siya ng may apat na raang tao.
3 At naparoon si David mula roon sa Mizpa ng Moab, at kaniyang sinabi sa hari sa Moab: Isinasamo ko sa iyo na ang aking ama at aking ina ay makalabas, at mapasama sa inyo, hanggang sa aking maalaman kung ano ang gagawin ng Dios sa akin.
4 At kaniyang dinala sila sa harap ng hari sa Moab: at sila'y tumahan na kasama niya buong panahon na si David ay nasa moog.
5 At sinabi ng propetang si Gad kay David, Huwag kang tumahan sa moog; ikaw ay yumaon at pumasok sa lupain ng Juda. Nang magkagayo'y yumaon si David, at pumasok sa gubat ng Hareth.
6 At nabalitaan ni Saul na si David ay nasumpungan, at ang mga lalake na kasama niya: si Saul nga'y nauupo sa Gabaa sa ilalim ng punong tamarisko sa Rama, na tangan ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay, at ang lahat ng kaniyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot niya.