1 At nangyari, nang si Saul ay bumalik na mula sa paghabol sa mga Filisteo, na nasaysay sa kaniya, na sinasabi, Narito, si David ay nasa ilang ng En-gaddi.
2 Nang magkagayo'y kumuha si Saul ng tatlong libong piling lalake sa buong Israel, at yumaong inusig si David at ang kaniyang mga lalake sa mga bundok ng maiilap na kambing.
3 At siya'y naparoon sa mga kulungan ng kawan sa daan, na kinaroroonan ng isang yungib; at pumasok si Saul upang takpan ang kaniyang mga paa. Si David nga at ang kaniyang mga tao ay tumatahan sa pinakaloob na bahagi ng yungib.
4 At sinabi ng mga tao ni David sa kaniya, Narito, ang araw na sinabi ng Panginoon sa iyo, Narito, aking ibibigay ang iyong kaaway sa iyong kamay, at iyong gagawin sa kaniya kung ano ang mabutihin mo. Nang magkagayo'y tumindig si David at pinutol na lihim ang laylayan ng balabal ni Saul.
5 At nangyari pagkatapos, na nagdamdam ang puso ni David, sapagka't kaniyang pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul.
6 At kaniyang sinabi sa kaniyang mga lalake, Huwag itulot ng Panginoon na ako'y gumawa ng ganitong bagay sa aking panginoon, na pinahiran ng langis ng Panginoon, na aking iunat ang aking kamay laban sa kaniya, yamang siya ang pinahiran ng langis ng Panginoon.