8 Si David naman ay tumindig pagkatapos, at lumabas sa yungib, at hiniyawan si Saul, na sinasabi, Panginoon ko na hari. At nang lumingon si Saul ay iniyukod ni David ang kaniyang mukha sa lupa, at nagbigay galang.
9 At sinabi ni David kay Saul, Bakit ka nakikinig sa mga salita ng mga tao, na nagsasabi, Narito, pinagsisikapan kang saktan ni David?
10 Narito, nakita ngayon ng iyong mga mata kung paanong ibinigay ka ngayon ng Panginoon sa aking kamay sa yungib: at sinabi sa akin ng iba na patayin kita: nguni't hindi kita inano; at aking sinabi, Hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa aking panginoon; sapagka't siya ang pinahiran ng langis ng Panginoon.
11 Bukod dito'y iyong tingnan, ama ko, oo, tingnan mo ang laylayan ng iyong balabal sa aking kamay: sapagka't sa pagputol ko ng laylayan ng iyong balabal ay hindi kita pinatay, talastasin mo at tingnan mo na wala kahit kasamaan o pagsalangsang man sa aking kamay, at hindi ako nagkasala laban sa iyo, bagaman iyong pinag-uusig ang aking kaluluwa upang kunin.
12 Hatulan tayo ng Panginoon, at ipanghiganti ako ng Panginoon sa iyo: nguni't ikaw ay hindi ko pagbubuhatan ng kamay.
13 Gaya ng sabi ng kawikaan ng mga matanda: Sa masama magmumula ang kasamaan: nguni't ikaw ay hindi ko pagbubuhatan ng kamay.
14 Sinong nilabas ng hari ng Israel? sinong hinahabol mo? isang patay na aso, isang kuto.