2 At may isang lalake sa Maon, na ang mga pag-aari ay nasa Carmelo; at ang lalake ay lubhang dakila, at siya'y mayroong tatlong libong tupa, at isang libong kambing; at kaniyang ginugupitan ng balahibo ang kaniyang tupa sa Carmelo.
3 Ang pangalan nga ng lalake ay Nabal; at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Abigail: at ang babae ay matalino, at may magandang pagmumukha; nguni't ang lalake ay masungit at masama sa kaniyang mga gawa; at siya'y supling sa sangbahayan ni Caleb.
4 At narinig ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ng balahibo ang kaniyang tupa.
5 At nagsugo si David ng sangpung bataan, at sinabi ni David sa mga bataan, Umahon kayo sa Carmelo, at kayo'y pumaroon kay Nabal, at batiin ninyo siya sa aking pangalan:
6 At ganito ang sasabihin ninyo sa kaniya na nabubuhay na maginhawa, Kapayapaan nawa ang sumaiyo, at kapayapaan nawa ang sumaiyong sangbahayan, at kapayapaan nawa ang suma lahat ng iyong tinatangkilik.
7 At ngayo'y aking narinig na ikaw ay nagpapagupit ng balahibo ng tupa; ang iyong mga pastor nga ay nasa sa amin, at hindi namin inano sila, o nagkulang man ng anomang bagay sa kanilang buong panahon na kanilang ikinaroon sa Carmelo.
8 Tanungin mo ang iyong mga bataan at kanilang sasaysayin sa iyo: kaya't makasumpong nawa ng biyaya sa iyong mga mata ang mga bataan; sapagka't kami ay naparito sa mabuting araw: isinasamo ko sa iyo, na ibigay mo ang anomang masumpungan mo ng iyong kamay, sa iyong mga lingkod, at sa iyong anak na kay David.