4 Nagsugo nga si David ng mga tiktik, at nalaman na tunay na dumarating si Saul.
5 At si David ay bumangon at naparoon sa dakong kinahahantungan ni Saul: at nakita ni David ang dakong kinaroroonan ni Saul at ni Abner na anak ni Ner, na kapitan ng kaniyang hukbo: at si Saul ay nakahiga sa dako ng mga karo, at ang bayan ay humantong sa palibot niya.
6 Nang magkagayo'y sumagot si David, at nagsabi kay Ahimelech na Hetheo, at kay Abisai na anak ni Sarvia, na kapatid ni Joab, na nagsasabi, Sinong lulusong na kasama ko kay Saul sa kampamento? At sinabi ni Abisai, Ako'y lulusong na kasama mo.
7 Sa gayo'y naparoon si David at si Abisai sa bayan sa kinagabihan: at, narito, si Saul ay nakatulog sa loob ng dako ng mga karo na dala ang kaniyang sibat na nakasaksak sa lupa sa kaniyang ulunan: at si Abner at ang bayan ay nakahiga sa palibot niya.
8 Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai kay David, Ibinigay ng Dios ang iyong kaaway sa iyong kamay sa araw na ito: ngayon nga'y isinasamo ko sa iyo, na bayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa sa isang saksak, at hindi ko pagmamakalawahin.
9 At sinabi ni David kay Abisai, Huwag mong patayin siya: sapagka't sinong maguunat ng kaniyang kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon at mawawalan ng sala?
10 At sinabi ni David, Buhay ang Panginoon, ang Panginoon ay siyang sasakit sa kaniya; o darating ang kaniyang kaarawan upang mamatay; o siya'y lulusong sa pagbabaka, at mamamatay.