17 At ginawa ng Panginoon ang gaya ng sinalita niya sa pamamagitan ko: at inihiwalay ng Panginoon ang kaharian sa iyong kamay, at ibinigay sa iyong kapuwa, sa makatuwid baga'y kay David.
18 Sapagka't hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, at hindi mo ginawa ang kaniyang mabagsik na galit sa Amalec, kaya't ginawa ng Panginoon ang bagay na ito sa iyo sa araw na ito.
19 Bukod dito'y ibibigay ng Panginoon ang Israel naman na kalakip mo sa kamay ng mga Filisteo: at bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay masasama sa akin: ibibigay naman ng Panginoon ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.
20 Nang magkagayo'y biglang nabulagta si Saul sa lupa, at siya'y natakot na mainam, dahil sa mga salita ni Samuel; at nawalan siya ng lakas; sapagka't hindi siya kumain ng tinapay buong araw, ni buong gabi man.
21 At naparoon ang babae kay Saul at nakita na siya'y totoong bagabag, at sinabi sa kaniya, Narito, narinig ng iyong lingkod ang iyong tinig, at aking inilagay ang aking buhay sa aking kamay, at aking dininig ang iyong mga salita na iyong sinalita sa akin.
22 Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, iyong dinggin naman ang tinig ng iyong lingkod, at papaglagyin mo ako ng isang subo na tinapay sa harap mo; at iyong kanin upang ikaw ay lumakas, paglakad mo ng iyong lakad.
23 Nguni't siya'y tumanggi at nagsabi, Hindi ako kakain. Nguni't ipinilit ng kaniyang mga lingkod na pati ng babae; at dininig niya ang kanilang tinig. Sa gayo'y siya'y bumangon sa lupa, ay umupo sa higaan.