19 Bukod dito'y ibibigay ng Panginoon ang Israel naman na kalakip mo sa kamay ng mga Filisteo: at bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay masasama sa akin: ibibigay naman ng Panginoon ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.
20 Nang magkagayo'y biglang nabulagta si Saul sa lupa, at siya'y natakot na mainam, dahil sa mga salita ni Samuel; at nawalan siya ng lakas; sapagka't hindi siya kumain ng tinapay buong araw, ni buong gabi man.
21 At naparoon ang babae kay Saul at nakita na siya'y totoong bagabag, at sinabi sa kaniya, Narito, narinig ng iyong lingkod ang iyong tinig, at aking inilagay ang aking buhay sa aking kamay, at aking dininig ang iyong mga salita na iyong sinalita sa akin.
22 Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, iyong dinggin naman ang tinig ng iyong lingkod, at papaglagyin mo ako ng isang subo na tinapay sa harap mo; at iyong kanin upang ikaw ay lumakas, paglakad mo ng iyong lakad.
23 Nguni't siya'y tumanggi at nagsabi, Hindi ako kakain. Nguni't ipinilit ng kaniyang mga lingkod na pati ng babae; at dininig niya ang kanilang tinig. Sa gayo'y siya'y bumangon sa lupa, ay umupo sa higaan.
24 At ang babae ay mayroong isang matabang guyang baka sa bahay; at siya'y nagmadali, at pinatay niya; at siya'y kumuha ng harina at kaniyang minasa, at kaniyang niluto na tinapay na walang lebadura;
25 At kaniyang dinala sa harap ni Saul, at sa harap ng kaniyang mga lingkod; at sila'y kumain. Nang magkagayo'y sila'y bumangon, at umalis nang gabing yaon.