1 Nang ikalabing walong taon ng haring Jeroboam ay nagpasimula si Abias na maghari sa Juda.
2 Tatlong taong naghari siya sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Michaia na anak ni Uriel na taga Gabaa. At nagkaroon ng digmaan si Abias at si Jeroboam.
3 At si Abias ay nagpisan sa pakikipagbaka ng isang hukbo na matatapang na lalaking mangdidigma, na apat na raang libo, na mga piling lalake: at humanay si Jeroboam sa pakikipagbaka laban sa kaniya na may walong daang libo, na piling mga lalake, na mga makapangyarihang lalaking may tapang.
4 At si Abias ay tumayo sa bundok ng Semaraim, na nasa lupaing maburol ng Ephraim, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Jeroboam at buong Israel;
5 Hindi ba ninyo nalalaman na ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel, ang kaharian sa Israel kay David magpakailan man, sa kaniya at sa kaniyang mga anak, sa pamamagitan ng tipan na asin?
6 Gayon ma'y si Jeroboam na anak ni Nabat, na lingkod ni Salomon na anak ni David, ay tumindig, at nanghimagsik laban sa kaniyang panginoon.
7 At napisan sa kaniya ay mga walang kabuluhang lalake, na mga hamak na tao, na nangagpakatibay laban kay Roboam na anak ni Salomon, nang si Roboam ay bata at malumanay na puso, at hindi makapanaig sa kanila.