5 At ang bahay na aking itinatayo ay dakila: sapagka't dakila ang aming Dios kay sa lahat ng mga Dios.
6 Nguni't sinong makapagtatayo para sa kaniya ng isang bahay, dangang sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi siya magkasiya? sino nga ako, na ipagtatayo ko siya ng isang bahay, liban sa magsunog lamang ng kamangyan sa harap niya?
7 Ngayon nga'y suguan mo ako ng isang lalake na bihasang manggagawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso, at sa bakal, at sa kulay ube, at matingkad na pula, at bughaw, at ng makauukit ng sarisaring ukit, upang makasama ng mga matalinong lalake na kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, na itinaan ni David na aking ama.
8 Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, mga kahoy na abeto, at mga kahoy na algum, na mula sa Libano, sapagka't talastas ko na ang iyong mga bataan ay matalinong pumutol ng kahoy sa Libano. At, narito, ang aking mga alipin ay sasama sa iyong mga bataan,
9 Sa makatuwid baga'y upang ipaghanda ako ng kahoy na sagana: sapagka't ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila at kagilagilalas.
10 At narito, aking ibibigay sa iyong mga bataan, na mga mamumutol ng kahoy, ang dalawangpung libong koro ng binayong trigo, at dalawang pung libong koro ng sebada, at dalawangpung libong bath ng alak, at dalawangpung libong bath ng langis.
11 Nang magkagayo'y si Hiram na hari sa Tiro ay sumagot sa sulat, na kaniyang ipinadala kay Salomon, Sapagka't minamahal ng Panginoon ang kaniyang bayan, ay ginawa ka niyang hari sa kanila.