1 At si Josaphat ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at si Joram na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
2 At siya'y nagkaroon ng mga kapatid, na mga anak ni Josaphat, na si Azarias, at si Jehiel, at si Zacharias, at si Azarias, at si Michael, at si Sephatias: lahat ng ito ay mga anak ni Josaphat na hari sa Israel.
3 At binigyan sila ng kanilang ama ng mga dakilang kaloob, na pilak, at ginto, at mga mahalagang bagay, pati ng mga bayang nakukutaan ng Juda: nguni't ang kaharian ay ibinigay niya kay Joram, sapagka't siya ang panganay.
4 Nang si Joram nga ay bumangon sa kaharian ng kaniyang ama, at lumakas, ay kaniyang pinatay ng tabak ang lahat niyang mga kapatid, at gayon din ang iba sa mga prinsipe ng Israel.
5 Si Joram ay tatlongpu't dalawang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing walong taon sa Jerusalem.
6 At siya'y lumakad ng lakad ng mga hari sa Israel, gaya ng ginawa ng sangbahayan ni Achab; sapagka't siya'y nagasawa sa anak ni Achab: at siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.