1 Si Amasias ay may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y naghari na dalawangpu't siyam na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay si Joadan na taga Jerusalem.
2 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, nguni't hindi ng sakdal na puso.
3 Nangyari nga nang ang kaharian ay matatag sa kaniya, na kaniyang pinatay ang kaniyang mga lingkod na nagsipatay sa hari na kaniyang ama.
4 Nguni't hindi niya pinatay ang kanilang mga anak, kundi gumawa ng ayon sa nakasulat sa kautusan sa aklat ni Moises, gaya ng iniutos ng Panginoon, na sinasabi, ang mga ama ay hindi mangamamatay ng dahil sa mga anak, ni ang mga anak man ay nangamamatay ng dahil sa ama: kundi bawa't tao ay mamamatay dahil sa kaniyang sariling kasalanan.
5 Bukod dito'y pinisan ni Amasias ang Juda, at iniutos sa kanila ang ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang, sa kapangyarihan ng mga pinunong kawal ng lilibuhin at ng mga pinunong kawal ng dadaanin, sa makatuwid baga'y ang buong Juda at Benjamin: at kaniyang binilang sila mula sa dalawangpung taong gulang na patanda, at nasumpungan niya silang tatlong daang libong piling lalake, na makalalabas sa pakikipagdigma, na makahahawak ng sibat at kalasag.
6 Siya'y umupa rin naman ng isang daang libong makapangyarihang lalake na matatapang na mula sa Israel sa halagang isang daang talentong pilak.
7 Nguni't naparoon ang isang lalake ng Dios sa kaniya, na nagsasabi, Oh hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel; sapagka't ang Panginoon ay hindi sumasa Israel, sa makatuwid baga'y sa lahat ng mga anak ni Ephraim.