2 Mga Cronica 29:19-25 TLAB

19 Bukod dito'y lahat na kasangkapan, na inihagis ng haring Achaz sa kaniyang paghahari, nang siya'y sumalangsang, aming inihanda at itinalaga, at, narito, nangasa harap ng dambana ng Panginoon.

20 Nang magkagayo'y si Ezechias na hari ay bumangong maaga, at pinisan ang mga prinsipe ng bayan, at sumampa sa bahay ng Panginoon.

21 At sila'y nagsipagdala ng pitong baka, at pitong tupa, at pitong kordero, at pitong kambing na lalake, na pinakahandog dahil sa kasalanan sa ikagagaling ng kaharian, at ng santuario, at ng Juda. At siya'y nagutos sa mga saserdote na mga anak ni Aaron na ihandog ang mga yaon sa dambana ng Panginoon.

22 Sa gayo'y kanilang pinatay ang mga baka, at tinanggap ng mga saserdote ang dugo, at iniwisik sa dambana: at kanilang pinatay ang mga tupa, at iwinisik ang dugo sa ibabaw ng dambana: pinatay rin nila ang mga kordero, at iniwisik ang dugo sa ibabaw ng dambana.

23 At kanilang inilapit ang mga kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan sa harap ng hari at ng kapisanan; at ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga yaon:

24 At mga pinatay ng mga saserdote, at sila'y nagsigawa ng isang handog dahil sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ng mga yaon sa ibabaw ng dambana, upang itubos sa buong Israel: sapagka't iniutos ng hari na ang handog na susunugin at ang handog dahil sa kasalanan ay gagawin para sa buong Israel.

25 At kaniyang inilagay ang mga Levita sa bahay ng Panginoon na may mga simbalo, may mga salterio, at may mga alpa, ayon sa utos ni David, at ni Gad na tagakita ng hari, at ni Nathan na propeta: sapagka't ang utos ay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta.