2 Mga Cronica 29:25-31 TLAB

25 At kaniyang inilagay ang mga Levita sa bahay ng Panginoon na may mga simbalo, may mga salterio, at may mga alpa, ayon sa utos ni David, at ni Gad na tagakita ng hari, at ni Nathan na propeta: sapagka't ang utos ay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta.

26 At ang mga Levita ay nagsitayo na may mga panugtog ni David, at ang mga saserdote na may mga pakakak.

27 At si Ezechias ay nagutos na maghandog ng handog na susunugin sa ibabaw ng dambana. At nang ang handog na susunugin ay pasimulan, ang awit sa Panginoon ay pinasimulan naman, at ang mga pakakak, pati ang mga panugtog ni David na hari sa Israel.

28 At ang buong kapisanan ay sumamba, at ang mga mangaawit ay nagsiawit, at ang mga manghihihip ng pakakak ay nangagpatunog; lahat ng ito ay ipinagpatuloy hanggang sa ang handog na susunugin ay natapos.

29 At nang sila'y makatapos ng paghahandog ang hari at ang lahat na nakaharap na kasama niya ay nagsiyukod at nagsisamba.

30 Bukod dito'y iniutos ni Ezechias na hari at ng mga prinsipe sa mga Levita na magsiawit ng mga pagpuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga salita ni David, at ni Asaph na tagakita. At sila'y nagsiawit ng mga pagpuri na may kasayahan, at kanilang itinungo ang kanilang mga ulo at nagsisamba.

31 Nang magkagayo'y sumagot si Ezechias na nagsabi, Ngayo'y nagsitalaga kayo sa Panginoon, kayo'y magsilapit at mangagdala ng mga hain at mga handog na pasalamat sa bahay ng Panginoon: At nagdala ng mga hain at ng mga handog na pasalamat ang kapisanan; at lahat ng may kusang kalooban ay nagsipagdala ng mga handog na susunugin.