20 At dininig ng Panginoon si Ezechias, at pinagaling ang bayan.
21 At ang mga anak ni Israel na nakaharap sa Jerusalem ay nagdiwang ng kapistahan ng tinapay na walang lebadura na pitong araw, na may malaking kasayahan: at ang mga Levita at ang mga saserdote ay nagsipuri araw-araw sa Panginoon na nagsisiawit na may matunog na panugtog sa Panginoon.
22 At si Ezechias ay nagsalitang may kagandahang loob sa lahat na Levita sa mga matalino sa paglilingkod sa Panginoon. Sa gayo'y nagsikain sila sa buong kapistahan sa loob ng pitong araw, na nangaghahandog ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, at nangagpahayag ng kasalanan sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.
23 At ang buong kapisanan ay nagsanggunian upang magdiwang ng ibang pitong araw: at sila'y nangagdiwang ng ibang pitong araw na may kasayahan.
24 Sapagka't si Ezechias na hari sa Juda ay nagbigay sa kapisanan ng pinakahandog na isang libong baka at pitong libong tupa; at ang mga prinsipe ay nangagbigay sa kapisanan ng isang libong baka at sangpung libong tupa; at lubhang maraming bilang ng mga saserdote ay nangagpakabanal.
25 At ang buong kapisanan ng Juda, pati ng mga saserdote at mga Levita, at ang buong kapisanan na lumabas sa Israel, at ang mga taga ibang lupa na nagsilabas sa lupain ng Israel, at nagsitahan sa Juda, ay nangagalak.
26 Sa gayo'y nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem: sapagka't mula sa panahon ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel, ay hindi nagkaroon ng gayon sa Jerusalem.