1 Ganito natapos ang gawaing ginawa ni Salomon sa bahay ng Panginoon. At ipinasok ni Salomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kaniyang ama; sa makatuwid baga'y ang pilak, at ang ginto, at ang lahat ng mga kasangkapan, at inilagay sa mga ingatang-yaman ng bahay ng Dios.
2 Nang magkagayo'y pinulong ni Salomon ang mga matanda ng Israel, at ang lahat na pangulo ng mga lipi, ang mga prinsipe ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Israel, sa Jerusalem, upang iahon ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bayan ni David na siyang Sion.
3 At ang lahat na lalake ng Israel ay nangakipagpulong sa hari sa kapistahan, na sa ikapitong buwan.
4 At ang lahat ng mga matanda sa Israel ay nagsiparoon; at pinasan ng mga Levita ang kaban;
5 At kanilang iniahon ang kaban, at ang tabernakulo ng kapisanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapan na nangasa Tolda; ang mga ito'y iniahon ng mga saserdote na mga Levita.
6 At ang haring Salomon at ang buong kapisanan ng Israel, na nangakipagpulong sa kaniya, ay nangasa harap ng kaban na nagsisipaghain ng mga tupa at mga baka, na hindi masasaysay o mabibilang man dahil sa karamihan.