1 At nang mabalitaan ng reina sa Seba ang kabantugan ni Salomon, siya'y naparoon upang subukin si Salomon, sa mga mahirap na tanong sa Jerusalem, na may maraming kaakbay, at mga kamelyo na may pasang mga espesia, at ginto na sagana, at mga mahalagang bato: at nang siya'y dumating kay Salomon, kaniyang inihinga sa kaniya ang lahat na laman ng kaniyang dibdib.
2 At isinaysay ni Salomon sa kaniya ang lahat niyang tanong: at walang bagay na nalingid kay Salomon na hindi niya isinaysay sa kaniya.
3 At nang makita ng reina sa Seba ang karunungan ni Salomon, at ang bahay na kaniyang itinayo.
4 At ang pagkain sa kaniyang dulang, at ang pagkaayos ng kaniyang mga alila, at ang tayo ng kaniyang mga tagapaglingkod, at ang kanilang mga pananamit, gayon din ang kaniyang mga tagahawak ng saro, at ang kanilang mga pananamit; at ang kaniyang sampahan na kaniyang sinasampahan sa bahay ng Panginoon: nawalan siya ng loob.
5 At sinabi niya sa hari, Tunay na balita ang aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga gawa, at sa iyong karunungan.
6 Gayon ma'y hindi ko pinaniwalaan ang kanilang mga salita hanggang sa ako'y dumating, at nakita ng aking mga mata: at, narito, ang kalahati ng kalakhan ng iyong karunungan ay hindi nasaysay sa akin: ikaw ay humigit sa kabantugan na aking narinig.